Pages

Thursday 31 October 2013

Buod ng NOLI me TANGERE





Si Crisostomo Ibarra ay isang binatang Pilipino na pinag-aral ng kanyang ama sa Europa. Pagkatapos ng pitong taong pamamalagi roon ay nagbalik ito sa Pilipinas. Dahil sa kanyang pagdating ay naghandog si Kapitan Tiyago ng isang salo-salo kung saan ito ay dinaluhan nina Padre Damaso, Padre Sibyla, Tinyente Guevarra, Donya Victorina at ilang matataas na tao, sa lipunan Kastila. Sa hapunang iyon ay hiniya ni Padre Damaso na siyang dating kura ng San Diego, ang binata ngunit ito'y hindi na lamang niya pinansin at magalang na nagpaalam at nagdahilang may mahalagang lalakarin.Si Ibarra ay kasintahan ni Maria Clara. Siya kilala bilang anak-anakan ni Kapitan Tiyago, isang mayamang taga-Binundok. Ang binata ay dumalaw sa dalaga kinabukasan at sa kanilang pag-uulayaw ay di nakaligtaang gunitain ang kanilang pagmamahalan simula pa sa kanilang pagkabata. Di nakaligtaang basahing muli ni Maria Clara ang mga liham ng binata sa kanya bago pa man ito mag-aral sa Europa. Bago tumungo si Ibarra sa San Diego ay ipinagtapat sa kanya ni Tinyente Guevarra ng Guardia Sibil ang tungkol sa pagkamatay nga kanyang amang si Don Rafael, ang mayamang asendero sa bayang yaon.Ayon sa Tinyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso, na Erehe at Pilibustero, gawa ng di nito pagsisimba at pangungumpisal. Nadagdagan pa ng isang pangyayari ang paratang na ito. Minsan ay may isang maniningil ng buwis na nakaaway ng isang batang mag-aaral, nakita ito ni Don Rafael at tinulungan ang bata, nagalit ang kubrador at sila ang nagpanlaban, sa kasamaang palad ay tumama ang ulo ng kastila sa isang bato na kanyang ikinamatay. Ibinintang ang pagkamatay na ito ng kubrador kay Don Rafael, pinag-usig siya, nagsulputan ang kanyang mga lihim na kaaway at nagharap ng iba-ibang sakdal. Siya ay nabilanggo at ng malapit nang malutas ang usapin ay nagkasakit ang matanda at namatay sa bilangguan. Di pa rin nasiyahan si Padre Damaso sa pangyayaring iyon. Inutusan niya ng tagapaglibing na hukayin ang bangkay ni Don Rafael sa kinalilibingan nitong sementeryo para sa katoliko at ibaon sa libingan ng mga Intsik at dahil umuulan noon at sa kabigatan ng bangkay ay ipinasya ng tagapaglibing na itapon na lamang ito sa lawa.Hindi binalak ni Ibarra ang maghiganti sa ginawang kabuktutang ito ni Padre Damaso at sa halip ay ipinagpatuloy ang balak ng kanyang ama na magpatayo ng paaralan.Sa pagdiriwang ng paglalagay ng unang bato ng paaralan ay kamuntik nang mapatay si Ibarra kung hindi siya nailigtas ni Elias. Sa paglagpak ng bato habang ito'y inihuhugos ay hindi si Ibarra ang nasawi kundi ang taong binayaran ng lihim na kaaway ng binata.Sa pananghaliang inihandog ni Ibarra pagkatapos ng pagbabasbas ay muling pinasaringan ni Padre Damaso ang binata, hindi na lamang niya sana ito papansinin subalit nang hamakin ang alaala ng kanyang ama ay hindi na siya nakapagpigil at tinangkang saksakin ang pari, salamat na lamang at napigilan ito ni Maria Clara.Dahil sa pangyayaring ito ay itiniwalag o ineskomonyon si Ibarra ng Arsobispo ng simbahang Katoliko Romano. Sinamantala ito ni Padre Damaso upang utusan si Kapitan Tiyago na sirain ang kasunduan sa pagpapakasal nina Ibarra at Maria Clara. Nais ng pari na ang mapangasawa ng dalaga ay si Linares na isang binatang kastila na bagong dating sa Pilipinas.Dahil sa pagkasindak sa gumuhong bato noong araw ng pagdiriwang si Maria Clara'y nagkasakit at naglubha. Dahil sa ipinadalang gamot ni Ibarra na siya namang ipinainom ni Sinang gumaling agad ang dalaga.Sa tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagkakaeskomulgado ni Ibarra at ipinasya ng arsobispo na muli siyang tanggapin sa simbahang Katoliko. Ngunit, nagkataon noong sinalakay ng mga taong pinag-uusig ang kwartel ng sibil at ang napagbintangang may kagagawan ay si Ibarra kaya siya ay dinakip at ibinilanggo. Wala talagang kinalaman dito ang binata sapagkat nang kausapin siya ni Elias upang pamunuan ang mga pinag-uusig ay tahasan siyang tumanggi at sinabing kailanman ay hindi siya maaring mamuno sa mga taong kumakatawan sa bayan.Napawalang-bisa ang bintang kay Ibarra sapagkat sa paglilitis na ginawa ay walang sino mang makapagsabi na siya'y kasabwat sa kaguluhang naganap. Subalit ang sulat niya kay Maria Clara na napasakamay ng hukuman ang siyang ginawang sangkapan upang siya'y mapahamak.Nagkaroon ng handaan sa bahay nina Kapitan Tiyago upang ipahayag ang kasunduan sa pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares at samantalang nagaganap ito ay nakatakas ni Ibarra sa bilangguan sa tulong ni Elias.Bago tuluyang tumakas ay nagkaroong ng pagkakataon si Ibarrang magkausap sila ng lihim ni Maria Clara,. Anya'y ipinagkaloob na niya rito ang kalayaan at sana'y lumigaya siya at matahimik na ang kalooban. Ipinaliwanag ni Maria Clara na ang liham na kanyang iniingatan at siyang ginamit sa hukuman ay nakuha sa kanya sa pamamagitan ng pagbabanta t pananakot. Ippinalit sa mga liham na ito ang dalawang liham na isinulat ng kanyang ina bago siya ipanganak na nakuha ni Padre Salvi sa kumbento at dito nasasaad na ang tunay niyang ama ay si Padre Damaso.Sinabi niya kay Ibarra na kaya siya pakakasal kay Linares ay upang ipagtanggol ang karangalan ng kanyang ina subalit ang pag-iibig niya saa binata ay di magbabago kailanman.Samantala, tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila ng bangka, pinahiga si Ibarra at tinabunan ng damo at pagkatapos ay tinunton ang ilog Pasig hanggang makarating sa Lawa ng Bay. Ngunit naabutan sila ng mga tumutugis sa kanila. Inisip ni Elias na iligaw ang mga ito kaya naisipan niyang lumundag sa tubig kung saan inakalang si Ibarra ang tumalon kaya hinabol at pinaputukan siya ng mga sibil hanggang mahawi ang bakas ng pagkakalangoy at magkulay-dugo ang tubig.Nakarating sa kaalaman ni Maria Clara na si Ibarra'y napatay ng mga Sibil sa kanyang pagtakas. Ang dalaga'y nalungkot at nawalan ng pag-asa kaya't hiniling niya kay Padre Damaso na siya'y ipasok sa kumbento ng Santa Clara upang magmadre. Napilitang pumayag ang pare sapagkat tiyakang sinabi ng dalaga na siya'y magpapakamatay kapag hindi pinagmadre.Noche Buena nang makarating si Elias sa maalamat na gubat ng mga Ibarra, sugatan at nanghihina na doon niya nakatagpo si Basilio at ina nitong wala nang buhay.Bago siya nalagutan ng hininga ay sinabing, namatay siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng kanyang bayan at makakikita ay huwag sanang kalilimutan ang mga nangamatay dahil sa pagtatanggol sa bayan.

Friday 25 October 2013

Oh, Hindi ! Si Ibarra ?

               Ngayong araw na ito, amin nang sinagutan ang nagsilibng takdang aralin na patungkol sa paghahambing kina Felipe, Delfin , Ibarra at Elias. Pagkatapos, nagkaroon ng konting pagtatalo ang aming mga kaklase tungkol sa tunay na huling pangyayari sa buod ng Noli me Tangere. At doon, nalaman ko na ang tunay huling pangayayari ng si Gng. Mixto na ang nagkuwento.

Thursday 24 October 2013

Paghahambing :P

               Ngayong araw na ito, tinapos na naman namin ang di pa ulit na natapos na pangkatang gawain tungkol sa Banaag at Sikat. Natutunan ko mula sa akdang ito ay ang bawat tao may pantay pantay na karapatan mayaman man ito o mahirap. Ako ay sobrang galit sa pangyayari dahil dito ipinapakita na mabababa ang pagtingin ng mga mayayaman sa mga mahihirap (maralita). Ngayon, amin namang tinalakay ang tungkol sa buod ng Noli me Tangere. Kami ay nagkaroon ng gawain na paghahambing sa mga pangunahing tauhan sa Banaag at Sikat at Noli me Tangere na sina Felipe, Delfin, Ibarra at Elias ngunit hindi ito natapos kaya nagsilbing itong takdang aralin.

Wednesday 23 October 2013

Ulat, Ulat Ulit ! :P

               Ngayong araw na ito, amin ng pinagpatuloy ang di natapos na pangkatang gawain na nagsilbing takdang aralin tungkol sa Banaag at sikat. Dito rin, nagkaroon ulit kami ng pangkatang gawain na patungkol sa nasabing akda at ito ay hindi na naman namin natapos. Pagkatapos, kami ay nagkaroon ng takdang aralin ng buod ng Noli me Tangere at kailangan naming alamin kung sino sina Ibarra at Elias.

Tuesday 22 October 2013

Ulat Agad ?

               Ngayong araw na ito, amin ng tinalakay ang buod ng Banaah at Sikat ni Lope K. Santos na kung saan amin ding inulat ang buod nito ( Pangkat 1 ). Dito rin, tinalakay namin ang tungkol sa gumawa ng may akda. Pagkatapos, kami ay nagkaroon ng pangkatang gawain at nagsilbi itong takdang aralin dahil kinulang kami sa oras na kung saan kailangan naming bigyang kahulugan ang piling pangungusap na nakasaad sa akda.

Monday 21 October 2013

Itinakda ! :D

               Ngayong araw na ito, amin na namang binalikan ang akdang Luha. Pagkatapos, kami rin nagkaroon ng pasusulit sa akdang Luha. Ngayon din pinasa ang ginawa naming liham para sa aming mga magulang. Pagkatapos, kami ay itinakda ( Pangkat 1 ) para ibalita ang buod ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos.


Buod ng Banaag at Sikat

ni Lope K. Santos

Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay sa kanyang pagiging anarkista.
Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.
Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.
Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.
Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.
Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.
Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.
Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.
Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.
Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.
Samantala, nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo, kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong pangyayari.
Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama na nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon, na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.
Kasama sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California, at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.
Ang libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng kuro-kuro at paniniwala.
Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.
Sa kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan nati’t palipasin ang diin ng gabi."


LUHA


RUFINO ALEJANDRO
I
Walang unang pagsisi,ito'y laging huli
Dalong aking luha...daloy aking luha, sa gabing malalim
Sa iyong pag-agos,ianod mo lamang ang aking damdamin,
hugasan ang puso-yaring abang pusong luray sa hilahil
Nang gumaan-gaan ang pinapasan ko na libong tusin!
II
Nang ako'y musmos pa at bagong pamukad yaring kaisipan
May biling gayari si Ama't si Ina bago sumahukay
"Bunso,kaiingat sa iyong paglalakad as landas ng buhay,
ang ikaw,y mabuyo sa gawang masamay dapat iwasan."
III
Ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y hinamak;
Sa inalong dagat ng buhay sa mundo'y mag-isang lumayag,
Iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap
Nang ako'y lumaki,ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak,aon na aking tinanggap
IV
Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan
Na ito'y huli na'y nakilalang alak na nanatay.
Ang piangbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't
Isang "Bahala na!" ang tanging iniukol sa kinabukasan!
V
Kaya naman ngayon,sa katandaan ko ay walang nalabi
Kundi ang lasapin ang dila ng isang huling pagsisisi;
tumangis s alabi ng sariling hukay ng pagkaduhagit
Iluha ang aking palad na napakaapi!
VI
Daloy, aking luha...Dumaloy ka ngayon at iyaong hugasa
Ang pusong nabagbag sa dagat ng buhay;
Ianod ang dusang dulot ng tinamang nga kabiguan,

Nang yaring hirap ko't suson-susong sakit ay gumaan-gaan!

Friday 18 October 2013

Luha Nga Naman !

               Ngayong araw na ito, amin na namang tinalakay ang akdang Luha ni Rufino Alejandro. Dito ay kailangan naming gumawa ng sariling bisang pangkaisaipan at bisang pandamdamin na nakasaad sa gawin. Ang natutunan ko mula sa akdang Luha ay laging nasa huli ang pagsisisi dahil hindi ka naman maaaring magsisi sa umpisa kung wala kang nagawang kasalanan o mali. Ako ay sobrang nalulungkot sa nangyari sa tauhan dahil sa simpleng pagsunod na lang niya sa kanyang magulang ay kanya pa niyang sinuway.

Thursday 17 October 2013

Nasaan si Ma'am ?

               Ngayong araw na ito, si Gng. Mixto ay wala dahil siya ay pumunta daw sa DSPC. Walang guro ang pumalit kay Gng. Mixto kaya ang iba sa amin ay may kanya kanya nang ginawa , ang iba sa amin ay nagdadaldalan, ang iba ay tahimik, at ang iba ay gumagawa ng takdang aralin sa ibang asignatura.

Wednesday 16 October 2013

Ang Bilin !

               Ngayong araw na ito, aming tinalakay muli ang akdang Luha ni Rufino Alejandro at aming sinagutan ang ipinagawang gawain na nakapaloob sa akda.Ang natutunan ko sa akdang Luha ay laging sumunod sa mga bilin o pangaral ng ating mga magulang dahil alam nila kung ano ang tama at mali at kung ito ay makakabuti sa atin o hindi. Pagkatapos ay ibinigay ni Gng. Mixto ang mga susunod na tatalakaying mga akda sa mga susunod na araw na kung saan dapat ito ay maipaimprenta na sa lalong madaling panahon.

Tuesday 15 October 2013

Ramadan ! :(

               Walang pasok ngayong araw dahil araw ng Ramadan.

Monday 14 October 2013

Ang Simula !

               Ngayong araw na ito, ang lahat samin ay nakaraos sa mga pagsusulit sa bawat asignatura. Ngayon din aming sinimulan ang panibagong aralin sa Filipipno sa ikaatlong markahan. Bilang panimula sa araling ito, aming tinalakay ang akdang "Luha" ni Rufino Alejandro. Ang akdang ito ay tumatalakay sa batang lalaki na kung saan sapul sa pagkabata ay busog sa pangaral ng kanyang mga magulang ngunit ng sumahukay na ito ay biglang nalihis ang landas ng kanyang buhay dahil hindi na rin niya nasunod ang pangaral ng kanyang magulang kaya't ng tumanda siya ay lubos ang kanyang pagsisisi. Pagkatapos kami ay inatasang gumawa ng buod sa tula sa pamamagitan ng talata. Pagkatapos ay ipinasa na namin ang nasabing gawain at siyang nagsilbing takdang aralin na ipaimprenta ang nasabing akda.